Saturday, July 22, 2017

VOICE TAPE 2

Voice Tape   Maikling-Kuwento ni ARIEL S. TABAG      7/13/12

Part 2


Kung hindi ako nagkakamali, may tatlong sulat kaming nagawa. Maiiksi. Kagaya din ng kanyang pagsasalita— maiiksi. At matining ang boses niya. Hindi bagay sa katawan niyang parang si Roland Dantes— magkamukha nga sila; wala nga lang bigote si Angkel Ato.

Gaya noong ipaalam niya kina nanang na ninakaw ang isa sa mag-asawa niyang kalabaw (di pa nakapag-abrod ang asawa niya noon).

“Makapapatay ako!” mahina subalit mataas ang boses kaya’t kamuntikang pumiyok. Pero wala na siyang sinabi pa.

Nagulat sina Tatang at Nanang. Mabuti at sumama si Angkel Mulong at siya ang nagpaliwanag. Ninakaw nga raw ang kalabaw ni Angkel Ato na nakatali sa dulo ng kanyang bukirin.

Pagkatapos ng mahabang sandaling di siya nagsalita, tumikhim at saka sabi: “Pautangin n’yo nga ako. Sasaglit lang ako sa Ilokos.”

Baka sakaling makalimot, sabi ni Nanang kay Tatang noong nag-uusap sila isang gabi na marahil, pang-alo kay tatang dahil ipinautang ni Nanang ang ipapambili sana ni Tatang ng abono.

Nagulat na lang kami nang dumiretso si Angkel Ato sa bahay namin pagdating mula Santo Domingo, Ilocos Sur kung saan nakatira ang mga kamag-anak nila sa ama. Iniutos niyang isarado ang mga bintana at pintuan samantalang alas tres pa lamang ng hapon. Hindi sumagot nang tinanong ni Nanang kung bakit. Animo’y nagbubungkal ng ginto sa pananabik habang hinahango ang mga bunga ng malunggay mula sa dala niyang sako. Saka may hinango siyang baril. Kaagad kong napansin na baril ang hawak niyang mapusyaw na manilaw-nilaw dahil napanood ko na noon sa betamax.

“Pambihira ka naman, Ato,” sabi ni Nanang. “Isipin mo naman ang mga anak mo.” Mangiyak-ngiyak na si Nanang.

“Babayaran ko ng bigas kina pinsan,” sabi niya at isinukbit sa tagiliran ang baril saka walang pasabing tinahak ang pilapil sa likuran ng bahay namin patungo sa pook nila sa may timog.

Mabuti naman at wala kaming nabalitaang hinamon niya gamit ang kanyang baril. Na paltik pala.  Mga ilang buwan kasi pagkatapos siyang ilibing, nalaman ni Angkel Mulong na di na pala pumuputok ang lokong baril bukod sa mayroon nang kalawang.

Ibang kaso naman ang balita bago pa man ninakaw ang kalabaw ni Tiyo; na may nadisgrasya siya. Kasapi ng CHDF ang naging biktima niya. Lasenggo at basta na lamang nananapak kung may di nagustuhang gawi, o may nagustuhang sampalin.

Isa sa mga makailang ulit na sinapak nitong CHDF si Angkel Mulong na lumalaki na ring lasenggo.

Minsan, nasobrahan nitong CHDF ang uminom, mag-isa itong umuwi sa kampo nila na nasa timog na bahagi ng baryo. Nagkasalubong sila ni Angkel Ato sa medyo makipot na daan. Walang nakaalam kung ano at paano ang nangyari. Basta na lamang kumalat ang balita na namatay sa taga ang CHDF. Missing in action, sabi na lang daw ng mga kasamahang CHDF.

At ang pangyayaring ito, palihim na inamin ni Angkel Ato kay Angkel Mulong na nasabi rin naman ng huli kina Nanang, ilang taon na ang nakararaan mula nang mamatay si Angkel Ato.

MAAGANG nag-asawa si Angkel Ato. Halos kasasapit pa lang niya sa edad na labing-walo noong magpaalam kina Nanang.

“Mag-aasawa na ako,” sabi raw niya minsan, isang hapon.

“May mapagsisimulan na kayo?” tanong ni Nanang.

“Langgam nga, kaya pang mabuhay.”

Ang sabi ni Nanang, ayaw lang ni Angkel Ato ang maging taga-awat nina Angkel Alfredo at Angkel Mulong dahil nagsisimula na noong lumaban si Angkel Mulong kay Angkel Alfredo na panganay; o kaya, natuto na rin si Angkel Mulong na magsigarilyo at maglasing kagaya ng panganay.

Nagtulong-tulong silang magkakapatid at ang mga kamag-anak namin para maisakatuparan ang kasal nina Tiyo. Masasabi namang enggrande rin kahit papaano: may sound system na tumugtog ng magdamag sa bisperas at maghapon sa mismong araw ng kasal, mayroon ding ilang mga ninong at ninang kasama na ang kapitan ng barangay. Marami rin naman silang natanggap na regalo. Marami ring naisabit sa kanilang papel de banko. Mayroon ding pulang telon na pinagsabitan ng nagtutukaang kalapati na may markang “Renato & Magdalena”. Nahagisan din sila ng bigas at barya nang papasok na sila sa family house nina Nanang pagkagaling sa simbahan.

Pagkaraan lamang ng ilang buwan na pagtira nila sa family house, ipinaalam na ni Angkel Ato ang pagtatayo niya ng sariling bahay sa lote sa may bandang silangan.

“Di magtatagal, bubukod na kami,” ganyan ipinaalam ni Tiyo kina Nanang isang hapon.

“Siya’ng pinakamatino sa inyo,” pagbibiro ni Tatang kay Nanang kinagabihan.

Kinaumagahan, maaga kaming nagtungo ni Nanang doon sa pagtatayuan ng bahay. Kasama na ng tatlo kong tiyuhin si Lilong Illo na karpintero. Nagbungkal sila ng paglalagyan ng pangunahing haligi. Hinagisan ng barya ang hukay, pinatuluan ng hinyebra at dugo ng manok na puti ang mga paa.

“Para maging maginhawa ang buhay nila,” sabi ni Nanang noong nagtanong ako. Ganoon din daw ang ginawa nila noong ipinatayo ang bahay namin.

Umaga nang lumipat sina Angkel Ato sa bagong-tayong bahay nila. Parang mas malaki lang ng kaunti sa bahay-kubo na litrato sa aklat ko sa Grade One. Nakaharap sa silangan ang mga bintana para raw papasok ang grasya. Hindi rin magkatapat ang pintuan sa harap at pintuan na papasok sa kusina.

“Magtatagal,” sabi ni tatang dahil kamagong, matandang bayugin, at piniling kugon ang ginamit.

Unang ipinasok nina tiyo ang isang malaking tapayan ng bigas, isang banga ng tubig, tig-isang palayok ng bagoong at asin, larawan ng Sagrada Pamilia na pinilas ni Nanang mula sa luma naming kalendaryo. Ang isang palayok na barya ang ipinahawak sa akin. Nang maibaba ko, palihim akong kumuha ng isang gintuing piso subalit agad kung ibinalik nang magkakasunod ang tikhim ni Angkel Ato na nasa likuran ko lang pala.

Nag-alay sila sa salas. Saka nagpadasal sila kay Lilang Balling. Pagkatapos, kinain namin ang suman na tira sa inialay na may kasama pang kape mula sa sinangag na bigas.

PERO ano naman ang maaasahan mo sa dalawang elementary graduate lang lalo na’t papatapos na ang dekada otsenta na tumataas na rin ang mga kailangang papeles para makapasok ng trabaho?

Isang kahig, isang tuka, gaya ng kasabihan. Dahil kutsero naman ang ama nina Nanang at napakaliit naman ang lupang minana ng nanay nila— dahil nga babae lang—  makitid lamang ang lupang sinaka ng Tiyo.

Oo, at tumanggap siya ng mga sasakahing lupa na may “panginoon.” Pero kakaiba ang kanyang asawa. Galing nga ito sa tahimik na nayon ngunit nakarating ang kaartehan sa lungsod. Balita kong namasukan sa Maynila noong dalagita pa. Ang mahirap, hindi naman niya nagawang maarte rin ang bahay nila.

At noon nauso sa baryo namin ang pagpunta sa Abu Dhabi dahil may mag-asawang di ko sigurado kung sila ang mismong recruiter o may kaibigan silang recruiter sa Maynila.

Ang maalala ko, may kadalian ang pagpunta sa nabanggit na lugar. Sunod-sunod ang mga umaalis na kababaryo namin kahit mga dalawang kalabaw o baka lamang ang naibebenta.

Nalaman ko na lamang na nagpapatulong ang Tiyo kay Nanang na maghanap ng mapagsanlaan sa mumunti niyang sinasaka— pandagdag sa ibinenta na niyang babaeng kalabaw— iyong asawa ng kalabaw na ninakaw. Mabuti at mayroon na siya noong isang magbibinatang kalabaw na tinuturuan na niyang mag-araro.

At nakarating nga sa abrod ang asawa niya.

HANGGANG ngayon, na ipinagpapasalamat ko sa Diyos, hindi na ako nailapit pa sa iba pang nakaburol gaya ng karanasan ko sa pagkamatay ni Angkel Ato.

Noong namatay ang lolo ko na tatay ni Tatang, ang lola ko ang nagbabad sa pagbabantay. Noon namang namatay si Angkel Alfredo na panganay nina nanang, nataon namang nag-aaral na ako sa National Teachers’ College at dumating na lamang ako noong araw na ng libing.

Mayroon akong mga di maipaliwanag na pangyayari sa burol ni Angkel Ato. Gaya ng pagbabawal ng mga matatandang babae sa pagwawalis habang may nakaburol. Magkakaroon daw ng maraming kuto ang sinumang susuway nito.

Pero karaniwan sa binatilyo, kung ano ang sinabing masama, parang napakasarap gawin. Lihim na winalis ko ang kusina nina Tiyo dahil nandidiri ako sa mga tinik at mumog sa ilalim ng mesa lalo na’t hindi sementado ang sahig nila.

Pagkaraan ng dalawang gabi, panay-panay na ang pagkakamot ko ng ulo. “’Wag kang magkamot at masama,” sabi pa ni Nanang. Talaga namang nagdusa ako sa kati ng aking ulo.

Kinahapunan ng libing, sinuyuran ako ni Nanang. Ang daming kuto. “May baon sila,” gaya ng kasabihan sa aming lugar. “Ang tigas ng ulo ng batang ’to,” paulit-ulit na sinabi ni Nanang.

At ang pagkamatay ng tiyo, iyon pa lang naman ang kaisa-isang pagkakataon na nakaramdam ako ng sinasabi nilang multo. At napatunayan ko na kakaiba talaga ang paningin at pang-amoy ng aso.

Noong kinuha ko ang mga damit namin sa bahay, sarado lahat ang mga bintana at pintuan dahil napakahirap naman ang namatayan na nga, nanakawan pa.

Pero nakadagdag pa iyan sa pagkatakot ko. Saka, nasa loob ng bahay ang aso naming si Samson na ipinangalan sa bida ng sikat na drama sa radyo. Mabuti at may maliit na butas sa kusina namin kung saan siya dumadaan kung tatae o iihi.

Binuksan ko ang isang bintana at pintuan. Subalit nang inaayos ko na ang mga damit sa bag, laking gulat ko nang biglang tumahol ang aso, na hindi naman nakaharap sa akin bagkus sa dako kung saan umupo noon si Angkel Ato noong ginawa namin ang unang sulat niya.

At pinatunayan ni Nanang na tuwing anibersaryo ng kamatayan ni Angkel Ato, may naaamoy siyang amoy-kandila, sa dako kung saan naroroon ang lumang aparador kung saan ko nakuha ang sinabi kong palapad na bag.

Sinabi tuloy ni Nanang na dalhin ko na lang sa sementeryo ang voice tape. “Sige ho,” wala sa loob ang sagot ko dahil may nabubuo sa isipan ko na magpapaliwanag sa akin ng buong pangyayari.

No comments:

Post a Comment

Featured Post

CORALINE BY NEIL GAIMAN (ENGLAND)

CORALINE BY NEIL GAIMAN (ENGLAND) Coraline [Excerpt] by Neil G...