VOICE TAPE PART 3
TALAGANG hindi nakauwi ang asawa ni Angkel Ato. Dito unang umusbong ang asar ko sa pag-aabrod. Napakahalaga naman ng perang ’yan at di man lang umuwi para makita sa huling sandali ang kanyang asawa?
Siyempre, hindi ko naman naintindihan ang hirap ng kalagayan niya dahil nga ilang buwan pa lamang siya sa Abu Dhabi.
Noong gabi bago ang libing, napagkasunduan na titira ang dalawa kong pinsan sa aming bahay. At ang dalawa pa, doon naman sa mga biyenan ng tiyo.
Ang Angkel Mulong naman ang titira muna sa bahay nina Angkel Ato.
Noong ilalabas na ang kabaong, nauna ang paanan. Noong nahirapan silang ilusot sa bintana dahil hindi naman kalakihan ang bintana, may sumigaw na ayaw pa raw ng tiyo ang umalis.
“Talagang gustong hintayin,” naulinigan ko sa likuran ko.
“Pugutan na kasi ang manok!” may sumigaw.
Gagawin daw ito para wala nang susunod sa kanya na mamatay sa pamilya.
Sige nga po, Diyos ko, hiling ko sa loob-loob ko.
Pinugutan ang tandang na talisayin. Tumalsik ang dugo at napatakan ang kabaong at mga damit ng ilang nagbuhat sa kabaong. Saka basta na lamang binitawan ang wala nang ulong manok at kung saan-saang dako ito nagtungo at nangisay.
Pero di pa rin mailusot ang kabaong. Kahit sa pintuan, masikip. Walang laman ang kabaong noong ipinasok nila kaya malamang na pinatagilid nila.
Wala silang nagawa kundi pinutulan ang bintana. ’Yon ang unang kagat ng pagkasira sa bahay ni Angkel Ato. Dahil noong tumira si Angkel Mulong, di naman niya inayos ang bintana. Saka noong dumating ang asawa ni Angkel Ato, tumira silang mag-iina sa pamilya nito. Hanggang sa unti-unti na lang nasira ang munting bahay ni Angkel Ato.
Pagkatapos maalayan ng misa ang bangkay ng Tiyo, nakita kong kinausap ng mga biyenan ng Tiyo ang pari, si Fr. Ed. Kasapi ng samahan ng mga debotong babae o apostolada ang tiyahin ng asawa ng tiyo at kahit isa akong sakristan, hindi ko ugali ang nakikialam sa usapan ng ibang tao lalo na’t matatanda sila. Pagkatapos nilang mag-usap, may pahabol na sermon si Fr. Ed na ganito ang buod: “Ang hiling ko lamang sa mga may kinauukulan na mas mahirap sa mga bata kung maghihiwa-hiwalay sila. Lalo na ngayon na ang kanilang tibay ay nakasalalay sa presensiya ng bawat isa sa lahat ng oras.”
Sa madaling sabi, tumira ang mga pinsan ko sa mga biyenan ng tiyo.
PAPATAPOS na noon ang Marso at pakiwari ko, mga limang beses nang nagpabalik-balik si Nanang sa husgado na nag-aayos ng habla laban sa kumpanya ng bus, nabanggit ng isa kong kabarkada ang umiikot na alingasngas sa baryo namin.
“Kusang nagpabangga daw ang Tiyo mo, p’re,” sabi niya.
Hindi kaagad ako nakapagsalita. Hindi dahil nagulat ako. Iniisip ko kung sasagot ako o hindi.
Inalala ko ang hapong iyon bago nabangga ang Tiyo. Pumunta siya sa likuran ng bahay namin. Umupo sa nakausling ugat ng kamatsile at nakatuon ang paningin sa malawak na bukirin na nagsisimula nang matuyo ang mga damo. Maya’t maya na kinakausap ni Nanang pero hindi sumasagot. Hinayaan na lang din ni Nanang nang lumaon.
Maya’t maya rin ay sinisilip ko sa awang ng dingding ng kusina namin. Akala mo ay estatwa ang tiyo na di man lang gumagalaw. Papalubog na ang araw at nasisilaw pa rin ako sa mga sinag na tumatagos sa mga sanga ng kamatsile, at sa kabuuan ng tiyo at di ko na nga maalala ang hitsura niya dahil di ko naman maaninag ang ulo niya.
Tahimik ang paligid dahil napakain na noon ni Nanang ang mga baboy. Kahit kaming mga magkakapatid na nasa kusina lang, napakaingat ng mga kilos namin. Minsang nagtawanan kami nang walang tunog o sabihin na nating tawa ng pipi, binigyan kami ng tig-isang malutong na kurot sa singit. Marahil, inakala niyang ang tiyo ang pinagtatawanan namin. Na hindi naman. Hindi ko nga lang maalala ngayon kung ano.
Nabasag ang katahimikan ng paligid nang biglang may humuning sulsulbot sa kapok sa kanluran namin.
“Pusang ina mo!” hiyaw ni Nanang. “Madilim na nga, eh!”
Inakala yata ng tiyo na siya ang minura ni Nanang at bigla na siyang tumayo saka walang pasabi na nagtungong timog.
“Anong masasabi mo, p’re?” nagsalita na naman ang kaibigan ko.
Hindi ako sumagot.
Nagpatuloy sa pagkukuwento. “Maaga daw na nakaupo sa waiting shed ang tiyuhin mo. Sabi ng mga nagtitinda ng pandesal. Nakita naman daw ng mga estudyante ang pagtalon niya sa harapan ng bus.”
Mga ilang buwan pagkatapos mailibing ang Tiyo, tumayo ako sa lugar kung saan siya nabangga. Nakita ko ang lumalabo nang mantsa ng dugo sa puting sementadong kalsada. Habang binibilang ko ang hakbang ko— limampu— hanggang sa kinublian kong Indian tree habang may flag ceremony, iniisip ko na ang madalas na pakay ni Angkel Ato kung napapagawi ng hilaga ng baryo namin, pupunta sa bahay namin. At dumadaan sa mga pilapil ng bukirin na pagitan lamang ng aming pook at ng kanilang pook. At bakit siya tatawid sa hilaga kung saan naroon ang eskuwela namin gayong nasa timog ng kalsada ang makipot na daan papunta sa bahay namin?
Binanggit ko kay Nanang ang sinabi ng kaibigan ko.
“Wala na yatang alam na matinong gawain ang mga tao,” sabi ni Nanang na mangiyak-ngiyak, “kundi ang magpakalat ng di wastong salita.”
Parang may idinaang napakalamig na dulo ng kutsilyo sa aking gulugod.
“Ba’t ka paapekto kung di totoo?” kumuha si Tatang ng isang basong tubig para kay Nanang. “Lalo kang pipikunin kung sasagot ka.”
Hindi ko na hinintay ang sagot ni Nanang. Pumunta ako sa likuran ng bahay. Humarap ako sa dako ng bahay nina Tiyo. Patawarin mo ako, Angkel, sinabi ko habang palihim akong umiyak.
DUMATING ang asawa ng tiyo noong patapos ang Marso ng sumunod na taon, mga ilang linggo pagkatapos makuha nina nanang ang biyente mil na pinang-areglo kay tiyo.
Nagkataon na nasa simbahan ako nang umagang iyon dahil nagsilbi akong sakristan ng misa. Di pa noon gaanong nagsisimba ang nanay ko at nagkasundo sila ng hipag niya na pumunta sa Aparri.
Bahagya akong nagising nang may narinig akong alingasngas ng bagong dating. Nakahiga ako sa mahabang sopa sa sala ng aming bahay, subalit di ko mapigilan ang paghila sa akin ng antok.
Mahapdi ang mga mata ko subalit tumambad sa paningin ko ang nakaupong asawa ng Tiyo sa katapat kong sopa. Nakasuot ng dilaw na bestida, at napakaputi.
Kaagad kong naisip na magpatuli sa darating na Mayo. Dumilat-dilat ako. Saka ako bahagyang dumilat.
“Hayan, gising na ang ating binata,” sabi niya at agad na tumayo. Lumapit siya at hinalikan ang pisngi ko. Kakaiba pala ang pabango ng mga Arabo, nasabi ko sa sarili ko.
Nahimasmasan ako. Lalo na nang makita ko sa aking paanan ang bagong aparador na mapusyaw na pula ang kulay.
“Binili namin sa Aparri,” sabi niya. “Dito lang muna dahil bagay sa bahay niyo.” Tumawa.
Ngumiti lang ako. Dahil lumalakas ang tibok ng dibdib ko. Pagkaraa’y lumabas si Nanang mula sa kusina na may dalang nakabasong sopdrink. “Nasa’n ang mga kapatid mo?”
“Iihi lang po ako,” sabi ko sa halip at dali-dali akong nagtungo sa kasilyas sa palikuran.
BAGO ako bumalik sa Maynila nitong nabanggit ko na huli kong bakasyon, sa halip na pumunta ako sa sementeryo para tuparin ang utos ni Nanang na isusunod ko na sa puntod ng Tiyo ang cassette tape, nagpunta ako sa lote ng namayapang si Angkel Ato na parang binisita ko lang si Angkel Mulong na nag-asawa na rin at nagpatayo na ng maliit na bahay sa dating kinatatayuan ng kanilang family house.
Tumayo ako sa lugar kung saan tantiya ko na katapat ng kinaupuan ko noong binantayan ko si Angkel Ato. Nakatuon ang paningin ko sa tantiya ko namang katapat ng bangkay niya na nabalot ng puting habing-Iloko. Subalit ang naroon ay kamada ng mga sanga at kahoy na nasalba sa nakaraang bagyo na pinagkukuhaan ni Angkel Mulong ng panggatong niya.
Subalit kinilabutan ako. Nanindig ang mga balahibo ko. Pero di ko inisip na naroon ang espiritu ng tiyo. Marahil, gawa lang ng magkakahalong damdamin, lalo na ng aking pagkalumbay.
Noong iabot ni Nanang ang cassette tape sa akin, naalala niya ang dinatnan namin sa bahay ng tiyo na nag-iiyakan ang mga pinsan ko sa bakuran nila. Napakagulo ng sala. At di pa nailigpit ang hinigaan.
Kaya’t umiiyak si nanang na nagligpit habang inaliw ko ang mga pinsan ko. Nagpunta kami sa tindahan sa tabi ng kalsada at ibinili ko sila ng kendi na walang saplot at zoom zoom.
Sabi ni Nanang na nakita niya ang cassette tape sa ilalim ng unan ng Tiyo— halatang ang tatlong nagpatong-patong na unan ang hinigaan niya. Nasa kusina naman ang radio cassette na hiniram niya sa amin.
Pinakinggan daw nina Nanang at Tatang ang laman ng cassette tape. Na ang laman, matagal na silang apat lamang ang nakaaalam: sila ni Tatang, ang yumaong si Tiyo, siyempre, at ang kanyang asawa.
Hanggang nitong kamakailan, ako na ang panlima. Dahil sabi ni Nanang, may sapat na akong pag-iisip.
Mabuti at may lalagyan itong cassette tape. At maliwanag ang boses ng asawa ng Tiyo sa kabila ng kanyang mga hikbi: “Patawarin mo ako, Mahal. Di ko ginusto. Papatayin ako kapag lumaban ako. Isipin mo na lang na makakamtan na rin natin ang hinahangad mong magandang kinabukasan para sa mga anak natin... Matatapos din ang kontrata ko…”#
TALASALITAAN:
ápo png. (1) tawag paggalang na katumbas sa Bathala lalo na kung ikinakabit bago ang ngalan ng tao o bagay. (2) katumbas ng “po” at “opo”.
kalupí png. bag na yari sa nilalang na yantok.
kuríbot png. malaking basket na yaring kawayan na may kabitan para sa balikat (lalapat sa likud) ng magdadala nito.
dúng-aw png. patula o paawit na paglalahad ng pagtangis.
nánang png. nanay. Baryasyon: inang, nana, ina.
tátang png. tatay. Baryasyon: tata, ama,
(Salin ng may-akda mula sa orihinal na Ilokano na nagkamit ng Ikalawang Gantimpala sa Maikling-Kuwento-Ilokano sa Palanca Awards noong 2010. Kabilang sa Samtoy, Ang Aming Mga Kuwento, kalipunan ng mga kuwentong Ilokano ng labing-tatlong manunulat na Ilokano na nalathala noong 2011.)
Bibliography:
Tabag, Ariel S (trans.), Samtoy, Ang Aming Kuwento (Quezon City: National Commission for Culture and the Arts and the authors, 2011).
Bibliography:
Tabag, Ariel S (trans.), Samtoy, Ang Aming Kuwento (Quezon City: National Commission for Culture and the Arts and the authors, 2011).
No comments:
Post a Comment