Saturday, July 22, 2017

VOICE TAPE 1

Voice Tape

Maikling-Kuwento ni ARIEL S. TABAG     7/13/12

NITONG pinakahuling bakasyon ko sa Santa Teresita sa Cagayan, mistulang bumata ako ng labing-walong taon dahil parang bumalik ako sa taon na may nangyari kay Angkel Ato. Noong hinahanap namin ni Nanang ang mga sertipiko ko bilang Best in Math sa elementarya at hayskul at nang may maibigay ako sa prinsipal pinagtuturuan kong public school sa Cubao para sa karagdagang puntos sa aking kakayahan at nang mapabilis din ang pag-akyat ng aking ranggo, siyempre kasama na ng aking sahod, may nahanap kaming “ibang bagay”.



Sabi ni Nanang, inilagay niya ang mga sertipiko sa isang bag na manipis na palapad na may markang “LA,” ang brand ng sigarilyo ni Tatang noong chain-smoker pa ito. Napuno na kasi ang dingding ng maliit naming bahay sa mga sertipiko ng napanalunan ko sa mga paligsahan sa pagsusulat. Itong bag na ito, na isa sa mga pinagpalitan ni Nanang sa mga daan-daang pinagbalatan ni Tatang ng sigarilyo niya, ang binuksan namin. Subalit wala ang mga sertipiko.


Iyon pala, nakarolyo at nakasilid ito sa isa sa mga apat na piraso ng buho na pinaglagyan ni Nanang ng aming birth certificate— tatlo kaming magkakapatid pero apat na tubo dahil inakalang makakaapat sila ng tatay (dahil sa hirap ng buhay nila, si Tatang ang nakiusap sa kanya para magpa-ligate na sa Aparri).


Pero nauna naming nakita itong bag sa kailaliman ng isang drawer ng aparador na dahil nagkagasgas na sa kalumaan, inilagay na nila ni tatang sa nag-iisang kuwarto sa ibaba, doon malapit sa kusina, kung saan inilalagay din ang iba pang gamit ni Tatang gaya ng sprayer, tatlong klase ng itak, panabas, kuribot, ang mga bungkos ng iba’t ibang binhi gaya ng mais, ang inukit niyang tikbalang mula sa puno ng santol (naniniwala akong nakuha niya ang kanyang pagiging artist sa madalas niyang pagbabasa ng Bannawag), at oo, ang lagpas-tao ang taas na inipon niyang kopya ng Bannawag na pinagpatong-patong sa almuhadera.

Iba’t iba ang laman nitong lumang aparador: mga lumang litrato na karamihan ay ang mga pumanaw na mahal sa buhay nina Nanang, mga lumang damit, babasaging plato na ginagamit lamang tuwing may bisitang mataas na uri ng tao gaya ng mga politikong bumibili ng boto, ang mga papel namin ng aking mga kapatid noong nasa elementarya at hayskul na may markang “100%”…

Pero ano itong “ibang bagay” na ito?

Ang voice tape na may markang
4 my one & onli lab ATO

na sabi ni Nanang ay nakuha niya sa ilalim ng unan ni Angkel Ato na kapatid niyang sumunod sa kanya, kinahapunan noong araw na nabangga ito, o pagkamatay niya sa umagang iyon ng Pebrero 16, 1992.

Nakabihis na akong papasok sa eskwela, katunayan, naroon na ako sa tabi ng kalsada dahil kaharap lamang ng Pook Tactac, kung saan naroon din ang aming bahay, ang magdadalawampung ektaryang bakuran ng St. Francis Academy na pinapasukan ko ng hayskul. Nasa second year na ako kaya marahil, malakas ang aking loob kahit madalas akong ma-late. Gaya ng oras na iyon na nagpasya akong magkubli sa Indian tree na sintangkad na ng mga matatanda sa tabi ng national highway dahil magsisimula na ang flag ceremony.

Nang bigla na lang may lumagatak sa may kanluran. Parang may nagsuwagang mga torong kalabaw, mas malakas nga lamang ito ng sampung beses. Pagkaraa’y nagsisigawan na ang mga estudyante at iba pang mga tao— marahil ay pupunta ang mga ito sa palengke dahil Martes noon, araw ng palengke sa bayan— nagmamadali silang pumunta sa harapan ng bakante at matubig na lote kung saan kami nangunguha ng kangkong. Nag-umpukan sila doon sa likuran ng isang bus na Manny Trans.

“Nakupo! Nabangga na!” Buong lakas na sigaw ng di ko maalala kung sinong matandang babae, na ang duda ko’y si Ma’am Usita dahil katabi lang nila ang bakanteng lote at nakapagretiro na rin kaya napapansin na niya ang lahat ng nangyayari sa paligid niya, nakita man o nababalitaan lamang niya. Maliban sa lagi kong naaalala ang tinig niya dahil madalas niya akong pagalitan noong titser ko pa sa Grade Three.

“Patay na! Patay na!”

Kinutuban ako. Nabaghan ako dahil noon lamang ako nakadama ng ganoong kutob— kakaiba dahil di ko man lang ito naramdaman kahit madalas umiyak si Nanang noong nadukot ng mga NPA si Angkel Ceferino, na kapatid din niya na sinundan ng bunso (bale pang-lima sa anim na magkakapatid); o noong iniyakan ni Tatang ang kaisa-isang kalabaw niya na nalunod sa bagyo noong 1989.

Nakupo! Si Boying yata na kaibigan ko! Taghoy ng aking loob dahil kapareho ko siyang madalas ding ma-late sa flag ceremony at gustong-gusto ang mag-istambay sa kabilang gate ng paaralan namin, sa bandang kanluran na halos katapat lang ng pinangyarihan ng aksidente. Baka lamang, naisip ko, paglabas ni Sister Caridad na prinsipal namin sa kumbento nila, sa kagustuhang di makita, baka kumaripas si Boying ng takbo at di niya namalayan ang pagdaan ng Manny Trans. Nakupo!

Tumakbo ako pabalik sa bahay namin, hindi sa umpukan. Naratnan ko si nanang na nagbubunot ng sahig.

Sa kabila ng aking paghingal dahil sa pagod at takot, sabi ko: “Nanang, may nabangga! Parang si… parang si…”

Hindi na nag-urirat pa si nanang kung sino ang nabangga. Tumakbong pumunta siya sa kalsada at nakalimutan pang magsuot ng tsinelas o kahit man lang sana pinuyod ang medyo mahabang nagtitikwasang buhok.

Halos patakbo rin akong sumunod kay Nanang kahit sobrang kaba ko na.

Ang gagong si Kalbo na lang sana! Sumpa ko sa loob-loob ko na ang nasa isip ko, ang CAFGU na nambugbog at muntik bumaril kay Angkel Mulong na kapatid din ni Nanang at sinundan ni Angkel Ceferino. Mabait kasi si Angkel Mulong dahil kung manghuhuli siya ng isda sa Calacungan, nag-iiwan siya ng gustong-gusto kong sugpo na sinlaki ng hinlalaki ng paa— at laging may luno— at samaral na sinlaki ng palad ni Tatang.


Pero nagulat ako pagkarating ni Nanang sa may umpukan, kaagad siyang umiyak ng pasigaw. Inaawat nila dahil sobra ang kanyang pagwawala. Wala akong ibang naintindihan sa mga isinisigaw niya kundi ang magkakasunod na “Diyos ko po! Diyos ko po!”.

Nanghilakbot ako. Nagtayuan ang mga balahibo ko.

Siguradong hindi si Boying ang nabangga— hindi ganoon ang magiging asta ni Nanang kung ang kaibigan ko dahil malayong pamangkin na siya ng nanay ko.

E, sino? Si Tatang kaya? Pero alam kong hindi, dahil sa mga ganoong oras na malambot pa ang sikat ng araw, katatapos lamang dalhin sa ilog ang kalabaw niya; at hindi dadaan sa national highway dahil naibenta niya ang kaisa-isang bisikleta niya at ipinambayad sa klinika at sa mga gamot ni Nanang na nakaapak ng bubog noong hinabol niya ang inahin na kinatay namin noong kaarawan ni Tatang na ginawa nilang araw ng pag-aalala sa mga kaluluwa ng mga namatay naming mahal sa buhay.

Hindi rin naman ang mga kapatid ko dahil nasa silangan ang elementaryang pinapasukan nila sa Grade Six at Grade One.

Nagtaka ako kung sino dahil ganoon na lamang magwala si Nanang. At para akong nakasagi ng espiritu dahil napakaliwanag sa aking pandinig ang tila nagmula sa ilalim ng lupang panaghoy ni Nanang: “Kapatid ko! Ato! Kapatid ko! Ato!”

Kahit noong nailibing na si Angkel Ato, madalas akong nahihintakutan kung maaalala ko ang malagim na pag-iyak ni Nanang.

MAG-AALAS dos nang magparada ang karro ng punerarya sa rough road ng barangay sa harapan ng lote ng mag-anak nina Nanang na nasa gitna ng pook ng mga Palor. Sotelo ang apelyido ng ama nina Nanang na nagmula sa Sto. Domingo, Ilocos Sur at nakapag-asawa ng galing sa angkan ng mga Palor ng Villa.

Halo-halong mga iyak ang naghatid sa makislap na puting kabaong ni Angkel Ato sa sala ng bahay nila. Subalit mas lumutang na naman ang pag-iyak ni Nanang at inawat pa ni Tatang dahil hinihila na ng nanay ko ang kabaong. Nag-alala nga ako na baka maapakan pa ni Nanang ang siga sa harapan ng bakuran nina Angkel Ato, sa lilim ng matandang mangga.

Agad ding pinatabi muna ni Angkel Mulong ang mga nakapalibot sa tatlong mesa na naglalaro ng tong-its at pusoy dos. Nauna pa nga sila kaysa sa bangkay. (Hanggang ngayon, pugad ng mga mahihilig maglaro ng baraha ang baryo namin.)

“Saka na ’yan atupagin’pag naiayos na!” medyo mabigat ang tenor ng boses ni Angkel Mulong nang di kaagad tumabi ang mga kalalakihang nagsusugal na di ko alam kung taga-saan.

Di ko noon maintindihan na pagkatapos maiakyat ang kabaong, at pagkatapos makipag-usap ang mga taga-punerarya kay Nanang, kaagad din nilang binuksan ang kabaong; tinakpan ng puting kumot, saka hinango ang bangkay.

“Di n’yo man lang tiningnan, apo!” pagmamaktol ni Tatang. ’Yong ‘apo’ niya, mas may tonong panunumbat kaysa paggalang kagaya ng kung aksidenteng naapakan ko ang kanyang paa kung nakahig sa sala, sasabihin niya “Paki-tingnan naman ang inaapakan n’yo, apo!”.

Mga ilang linggo pagkatapos ng libing, ipinaliwanag ni Nanang na nagkamali ang mga taga-punerarya sa ginamit na kabaong— nagkakahalagang sampung libo ang puting makintab na una nilang pinaglagyan kay tiyo.

Ano pa’t ipinahiga muna ang tiyo sa salas sa itaas ng bahay, sa inilatag na banig na buli at nasapnan ng puting habing-Iloko na kumot na sabi ni Nanang, ’yong niregalo niya kina Tiyo noong ikinasal sila ng asawa niya.

Dahil ang panganay nilang si Angkel Alfredo ay nagda-drive ng six by six na pang-logging sa Aurora (hindi ko pa alam noon kung saang lupalop ng mundo ito), samantalang ang bunso nilang babae ay nasa Ilokos na lugar ng kanyang napangasawa, at dinukot naman ng mga NPA ang sinundan ng bunso na si Angkel Ceferino, at  “no read no write” naman si Angkel Mulong, si nanang na rin ang nag-abalang pumunta sa munisipyo para ihabla ang Manny Trans at nagtungo sa Aparri para tumawag sa asawa ni Angkel Ato. Nag-arkila sila ng traysikel dahil siguradong wala na silang masasakyan pag-uwi lalo’t mangilan-ngilan pa lang noon ang may dyip— Sarao ang tawag— sa Sta. Teresita.

Naroon na rin ang mga kamag-anak ng asawa ng tiyo subalit ginawang dahilan ang mga apat na sunod-sunod na mga pinsan ko na babantayan nila lalo na’t kung maisipan ng isa, sabay-sabay silang mag-iyakan.

Dahil ako ang pinakamatanda sa aming magpipinsan, ako ang naatasang magbantay sa bangkay ng tiyo sa salas kasama ko ang apat na kandila at mga ilang insektong labas-masok na nagliliparan sa bintana sa tabi ng kinauupuan ko.

Naalala ko ngayon kung paano tumigas ang mga panga at binti at hita ko sa panginginig. Hindi ko naman matagalang ibaling ang aking paningin sa labas, sa mga nagsusugal, sa mga parating at paalis na kamag-anak namin, sa siga, sa matandang mangga na malapit sa nagsisimula nang mabulok na lumang bahay nina Nanang, sa paglubog ng araw. Natatakot kasi ako na baka di ko mamalayan, nasa likuran ko na ang multo ng tiyo at hindi ko alam kung paano ako tatakbo sa hagdanan sa may likuran ko.

Kaya’t napilitan akong palaging nakaharap sa nakumutang bangkay. Hindi ko matagalang tingnan ang bandang ulo dahil naalala ko ang kuwento ni Lilong Martin noong tanghali ng araw na iyon na siya ay magtutuli na diumano ay siya ang dumakot sa kumalat na utak ni Tiyo at saka inilagay sa kaltik (ito ang tawag namin sa plastik na basyo ng langis ng Caltex) o tabo. At dahil nasabi kong nagbalik na naman lahat sa aking alaala ang pangyayaring ito, di ko talaga maiwasang parang bumabaligtad ang sikmura ko.

Patawarin ako ng Tiyo subalit mas tiningnan ko ang ibabang bahagi ng kanyang katawan. Mas mataba ang nasa pagitan ng kanyang mga hita kaysa sa mga bubot na upo ng lola ko na nanay ni Tatang na madalas kong hawakan saka ihahaplos sa di pa natutuli kong ari. Si Lilong Martin din na manunuli na malayo nang kamag-anak nina Nanang ang nagsabi na kung gusto kong lumaki, ganoon ang gagawin ko. Nagdududa ako minsan dahil tuwing gagawin ko ito, para akong nagsasawsaw ng mga daliri sa benditahan saka ako nag-aantanda. Di ko siguro kasalanang ganoon ang maalala ko dahil isa akong sakristan at wala akong ibang maalala tungkol dito. Para maliwanag, habang lumalaki ang bubot na upo, gaya ng sabi ni Lilong Martin, sumusunod ding lumalaki ang pinaghaplusan ko. At kung solb na ako sa laki ng upo, kukurutin ko ang tangkay nito at unti-unti itong mamamatay. At titigil na rin ang paglaki ng aking ari.

Ngayon, ang paniniwalang ito ang sinisisi ko kung bakit katamtaman lamang ang aking ari. Marahil sa kahahaplos ko sa mga bubot, kaagad itong nangamatay.

Kung bakit ang mga ito ang nasa isip ko noon, napansin ko na tumatahan ang panginginig ko kung ganoong tumitikwas ang nasa pagitan ng mga hita ko.

Sa katunayan, naalala ko pa nga noon ang pagkakatuklas ko kina Angkel Ato at ng asawa niya (mag-syota pa lang sila noon) habang nagsisiping sa ginagawa pa lang noon na bahay namin. Nasa lima marahil ang edad ko at may ipinakuha noon si Nanang na martilyo yata iyon. Nakititira pa lang kami noon sa family house nina Tatang.

Nakita ko silang hubo’t hubad sa ikalawang palapag ng ginagawang bahay. At ang posisyon nila, gaya ng nasa pahina ng Playboy na pinagpasa-pasahang binuklat-buklat nina Angkel Mulong at ng kanyang mga barkada, at noong nalasing na sila, napabayaan nilang mahulog sa ilalim ng mesa. Ako namang nasanay na magbuklat ng Bannawag, tiningnan ko. Naku’t hanggang ngayon ang larawang iyon ay kasing-liwanag ng alaala ko sa posisyon nina Tiyo.

Magdidilim na noong dumating sina Nanang. Dumiretso na naman siya sa salas at nagdu-dung-aw.

Ganito ang maalala kong dung-aw niya:

Ay, Ato, aya, kapatid kong ubod ng kabaitan

Bakit ka naman pumanaw na di man lang nagpaalam

Sino ngayon ang titingin nitong apat mong anak?

Habang ang asawa mo’y di naman makauuwi mulang Abu Dhabing pinagtatrabahuan

“Hindi makauuwi?” Naulinigan kong may nagsabi sa ibaba.

“Eh, di ba kaaalis lang?” May sumagot na sinundan ng bulungan saka ang hiyawan ng mga nagsusugal sa labas.

Naiiyak na ako. Patalilis akong bumaba at hinanap ko si Angkel Mulong at nagpabili ako ng sopdrink dahil nasusuka na naman ako.

DI gaya nina Angkel Alfredo at Angkel Mulong, hindi ako binibigyan ng pera ni Angkel Ato. Kung mayroon mang pagkakataong binigyan ako, hindi ko maalala. Siya nga ang humingi sa akin ng pabor.

Kung hindi ako nagkakamali, dalawang linggo lamang mula nang makaalis papuntang abrod ang kanyang asawa, minsan, isang hapon habang nagre-review ako para sa ikalawang periodical exam, sabi niya sa akin sa mababang boses: “Dante, gawa nga tayo ng sulat para sa anti mo.”

“Tayo,” sabi niya na ang ibig sabihin, ididikta niya ang isusulat ko. Siguradong napansin ni Nanang ang paglapit sa akin ng kanyang kapatid dahil bigla siyang lumitaw sa may pintuan ng kusina na may hawak pang sandok. Tinanguan ako at hindi natuloy ang pagsimangot ko lalo pa’t mga English at Filipino na parehong kahinaan ko ang pagsusulit namin kinabukasan. 

Napansin kong kagagaling lang sa bukid si Angkel Ato dahil bukod sa amoy-pawis at nakasuot pa ng mahabang manggas, nakabitin pa sa baywang niya ang kanyang itak, halukipkip ang salakot at dala sa likod ang kanyang kalupi.

“Sige ho,” dumaan sa ilong ang sagot ko.

Pipilas na sana ko sa notebook kong Aspen na may pabalat na Robin Padilla, pero pinigilan ako. Kimi ang kanyang mga ngiting nagbaba ng kanyang kalupi saka inilabas ang nakasupot na isang ream ng mabangong linen.

Wala na kasing kopya ng kanyang sulat na puwede ko sanang siyasatin ngayon. Kung ngayon sana ginawa, maaaring naipasok ko sa kompyuter at nai-save ko. Ang nangyari, kung ano ang draft, siya na ring ipinadala namin dahil bawat pangungusap o parirala na natatapos namin, ipinapabasa sa akin. At ganito ang maalala kong nilalaman:

Dear Mahal,

Kumusta ka na diyan? Hindi ka ba nahilo noong sumakay ka ng bus, saka sa eroplano? Ano, kumusta ang amo mo? Sira ulo ba? ’Wag siyang loloko-loko kung ayaw niya ng gulo.

Kumusta naman ang pagkain mo? Siya, kung di mo kaya ang hirap diyan, umuwi ka na’t magkasama tayong magtitiyagang makaahon.

Alagaan mong mabuti ang sarili mo. ‘Wag mong alalahanin ang mga bata dahil ang tatlong lalaki, kaya na nilang magsaing, magpastol at mag-ayos ng bahay. Panay ang hiling nina inang  (ang biyenan niyang babae) na doon muna sa kanila titira si Princess. Pero di ba’t napag-usapan na natin ’yan noon? Na ako ang magiging ama’t ina nila? Dahil si Princess nga naman ang pumapawi sa pangungulila ko sa ’yo. Sa bawat araw na lumipas, lalo kitang nakikita sa kanyang mukha at kilos…

…’Wag mo munang alalahanin ang pagpapadala mo dahil sabi naman ng ate na banggitin ko lang sa kanila kung may kailangan kami.

Itong mahal mo na laging nangungulila sa iyo,

Ato

P.S.

Si Dante ang pinagsulat ko para mas maliwanag mong mabasa.

Ako ang nagmungkahi sa “P.S.” dahil baka, ’kako, mayroon din akong pasalubong mula sa asawa niya.

No comments:

Post a Comment

Featured Post

CORALINE BY NEIL GAIMAN (ENGLAND)

CORALINE BY NEIL GAIMAN (ENGLAND) Coraline [Excerpt] by Neil G...